20/10/2024
Naiiyak ako para sa nanay ko!
Alam mo yung feeling na gusto mong itago yung sakit, pero hindi mo kayang magpanggap na hindi ka naaapektuhan? Hindi naman ako ang direktang biktima, pero tuwing nakikita ko si nanay sa family gatherings, parang gusto kong sumabog.
Tuwing may okasyon, automatic na si nanay ang nasa kusina, kahit hindi kami ang host ng party. Siya yung inuutusan maghugas ng pinggan, mag-serve ng pagkain, at mag-asikaso sa mga bisita. Bakit? Kasi siya yung walang pinag-aralan. Hindi kasi siya nakatapos ng high school, kaya parang tingin ng mga kamag-anak namin, ang trabaho lang niya ay maging tagaluto at tagahugas. Di naman nila sinasabi nang diretso, pero ramdam ko yun sa mga tingin at mga kilos nila.
Sobrang sakit panoorin. Naiisip ko tuloy, paano kaya pag wala na ako? Paano kung wala na akong boses para ipagtanggol siya o sabihin man lang na ‘Hindi ba kayo marunong mahiya? Host kayo pero siya ang alipin niyo?’ Yung mga may pera at mataas ang pinag-aralan, sila yung mas may karapatan mag-relax sa sala habang nagtatawanan. Yung mga tulad ni nanay, aba, halos walang pahinga sa kusina.
Ewan ko ba, pero ang unfair ng mundo. May mga nagsasabi na hindi naman daw nakakababa maghugas ng pinggan o tumulong sa kusina, pero iba yung nararamdaman ko rito. Hindi ito simpleng ‘tulong’ lang. Parang dahil lang sa walang natapos si nanay, minamaliit siya at ginagawang utusan kahit hindi naman siya ang dapat na in-charge.
Hindi ko alam kung dapat bang magsalita ako o hayaan na lang. Baka sabihin ng iba, wag na akong mag-overthink. Pero sa totoo lang nasasaktan ako. Hindi ko kayang tiisin yung ganitong klaseng sistema sa pamilya namin.