01/09/2026
KOUTERNO 2026 — HULING TALUDTOD
At ngayon, bago tuluyang bumaba ang kurtina, hayaan ninyong sabihin namin maraming, maraming salamat.
Sa mga designer na nagsulat gamit ang karayom,sa mga kamay na nangarap gamit ang tela, sa mga lumikha ng damit na hindi lamang isinusuot, kundi may kuwentong ipinaglalaban.
Salamat sa bawat dumalo. Sa bawat manikang naglakad. Sa bawat litratong nag-ingat ng alaala. Sa bawat pusong nakisabay, nakisaya, nakilahok.
Dahil sa KOUTERNO, ang palengke ay naging entablado, ang kariton ay naging korona, ang paninda ay naging sining, at ang ordinaryong manggagawa ay muling inilagay sa gitna ng kuwento.
Sapagkat bakit nga ba natin kailangang ipagsigawan
ang halaga ng isang taong buong araw na kumakayod
para lamang may maihain sa hapag?
Bakit kailangang maging bayani muna ang isang naglalako bago natin siya tingnan nang may dignidad?
At habang may mga taong nagbibilang ng kita sa lilim, may mga Pilipinong nagbibilang ng barya sa araw hindi para yumaman, kundi para mabuhay.
Kaya ang KOUTERNO ay hindi lamang tungkol sa moda.
Ito ay paalala.
Na ang sipag ay may dangal. Na ang paggawa ay may halaga. Na ang kabuhayan ay hindi dapat yurakan. At ang perang para sa bayan ay dapat bumalik sa bayan.
Hindi natin kailangan ng mga pangakong kumikislap
kung ang tunay na Pilipino ay patuloy na naghihintay ng ginhawa.
Hindi natin kailangan ng mga koronang gawa sa kapangyarihan kung ang taong naglalako sa kanto ay wala pa ring sapat na hapag sa tahanan.
Ang tunay na korona ay dangal. Ang tunay na yaman ay malasakit. At ang tunay na paglilingkod ay para sa bayan hindi para sa bulsa ng iilan.
Kaya sa lahat ng naging bahagi ng KOUTERNO salamat sa paglikha. Salamat sa pakikiisa. Salamat sa paninindigan.
Magkita-kita tayong muli sa Nobyembre 2026, para sa Spring/Summer 2026/27.
Muli, maraming-maraming salamat po.
Mabuhay ang Bayaning Naglalako. Mabuhay ang manggagawang Pilipino. Mabuhay ang mga Pilipinong lumalaban nang patas at marangal.
At higit sa lahat mabuhay ang BAYANG PILIPINAS. 🇵🇭