14/01/2024
Ngayong , sama-sama tayong umawit ng himig ng pagtindig! Dinggin ang sigaw ng masa: Tutulan ang panunumbalik ng rehimeng Marcos at pananatili ng mga Duterte!
UP Fair 2024 Campaign Manifesto
Ang UP Fair ay itinatag bilang isang protesta noong panahon ng diktaduryang Marcos kung saan malala ang inhustisya at pasismo. Sa mga nakaraang taon, nanatili itong isang malawakang plataporma upang suportahan ang mga artistang Pilipino at makiisa sa mga panawagang bitbit ng mga gabi ng UP Fair. Sa bawat UP Fair, ang tema, adbokasiya, at kampanyang bitbit nito ay salamin ng panlipunang danas ng mga Pilipino sa ilalim ng pahirap, pabaya, at palpak na gobyerno.
Ngayong mahigit isang taon nang nasa Malacaรฑang ang pamilyang Marcos at Duterte, tayo ay saksi sa lumalalang sitwasyon ng mamamayang Pilipino: ang matinding kagutuman, kawalan ng trabaho, pagtaas ng presyo ng bilihin, pagratsada ng Maharlika Investment Fund, lumalaking budget cuts sa sektor ng edukasyon at panlipunang serbisyo habang naglalakihan ang mga confidential funds, pagpapagamit sa Pilipinas bilang base militar ng mga Amerikanong sundalo, at dumaraming iligal na pang-aaresto, pagdakip, at pagpaslang sa mga unyonista, aktibista, at mga lider-estudyante.
Kaya naman sa pagbabalik ng UP Fair ngayong taong 2024, paalabin ang pintig ng lansangan at palakasin ang himig ng paglaban. Tayo ay patuloy na sumulat ng kasaysayan sa pamamagitan ng walang takot na pakikibaka at bumalikwas sa sistemang nagpapahirap sa uring anakpawis at nagpapayaman sa mga mayayaman, makapangyarihan, at mga mapagsamantalang bansa.
Taas kamaong tumitindig ang UP Fair Core Team, mga Night Handlers, at mga Advocacy Partners kasama ng mga komunidad at ng malawak na hanay ng masang patuloy na niloloko, ninanakawan, tinatapakan, at pinapabayaan ng rehimeng Marcos-Duterte. Saksi ang kasaysayan sa lakas ng masa, sa porma ng kolektibong aksyon, para patalsikin sa pwesto ang mga gahaman, pabaya, tuta, at pasista.
Sa ilalim ng mapaniil na lipunan, patuloy tayong manawagan para sa isang edukasyong abot-kaya, libre, at dekalidad. Ipaglaban ang karapatan sa edukasyon!
Nang dahil sa Anti-Terror Law, tumitindi ang mga atake, pagdakip sa mga pambansang minorya, at pagdami ng desaparecidos. Tayo ay makiisa sa kanilang panawagan: Lupang ninuno, depensahan at ipaglaban!
Tumindig para sa tunay na reporma sa lupa at tutulan ang walang awang pagpatay sa mga pesante. Lupa sa magsasaka, pagkain sa lahat!
Sa gitna ng krisis sa ekonomiya at lumalalang sitwasyon sa trabaho, patambulin ang panawagan ng maralitang tagalungsod: Sahod itaas, Presyo ibaba!
Baguhin ang sistemang nagpapahintulot sa ibaโt ibang porma ng karahasang nakabatay sa kasarian. Makibeki para sa isang Pilipinas na may tunay na pagkakapantay-pantay sa parehong batayan ng kasarian at ng uri!
Makikita ng estado ang patuloy na lumalawak at kumakapal na hanay ng masa, hindi lamang sa anim na araw ng UP Fair 2024, pero hanggang sa pagkikita-kita natin sa lansangan. Pabagsakin ang mga pasista, pabaya, at magnanakaw na utang sa buhay at dugo ng mamamayan ang kanilang kayamanan!